Martes, Setyembre 4, 2012

"Dito Po Sa Aming Bayan"


“Dito Po Sa Aming Bayan”
           

 Ang bayan ng San Narciso ay isa sa mga bayan na biniyayaan ng mayamang karagatan na kung saan kinukuha ang mga pangunahing produkto at siyang nagiging kabuhayan ng mga mamamayan. Ang “Tuyo ng Abuyon” ay isa sa mga pinagmamalaking produkto ng San Narciso. Hindi maipagkakaila na malimit hanapin at tangkilikin ng mga mamimili  ang masarap at malinis na tuyo na nagmula sa Brgy. Abuyon, San Narciso, Quezon. Sa kasalukuyan, isa sa pinagsisikapan ng aming masipag na Punong Bayan na si Kgg. Eleanor U. Uy ay ang pagbibigay hanap buhay sa mga kababaihan ng San Narciso. Itong adhikaing nabanggit ay unti – unting naisasakatuparan sa pamamagitan ni Gng. Joyal Uy – Esguerra ang Pangulo ng KALIPI na kung saan ang produksyon ng “Coco – Sugar” at ang “Sukang San Narciso” ay siyang naging proyekto ng nasabing samahan. Ang “Coco – Sugar ay ang isang alternatibong pamamaraan na pag gamit ng mga natural na kasangkapan mula sa bunga ng niyog upang maisagawa ang isang asukal na ligtas sa ano mang chemical. Gayon din ang ipinagmamalaki na Suka ng San Narciso na bukod sa masarap na lasa ay wala ring mga chemical at preservatives na maaring maging mapanganib sa kalusugan. Isa rin sa kinikilalang produkto ng San Narciso ay ang mga gawang “bag” at handicrafts ng mga kababaihan ng Brgy. Maguiting.

            Ang makulay at matalinghagang kasaysayan ng San Narciso ang siyang nagpapayaman sa kultura at sining ng aming bayan. Isa sa binubuong konsepto ng Municipal Tourism Council sa pangunguna ni ABC Pres. Jose Erwin C. Esguerra ay ang pagsasagawa ng “SugMayOn Festival”. Ang salitang Sugmayon ay halaw sa mga unang vista ng bayan ng San Narciso – ang Sugbong Cogon, Mayas – as at ang Obuyon. Sa pamamagitan ng nasabing festival ay hangad ng konseho na maipakita ang kahalagahan ng kasaysayan upang maging sandigan ng mas maunlad na kinabukasan.

            Sa pagkakatatag ng centro ng bayan noong 1845, malaki ang naging papel at responsibilidad ng Simbahang Katoliko. Dahil dito ay naging centro ng pananampalataya ng mga mamamayan ng San Narciso ang mga tradisyon ng katoliko. Ang pagkakaroon ng “sinturyon” tuwing Semena Santa o Mahal na Araw ay isa sa mga inaabangan ng mga lokal na bakasyonista at maging mga turistra. Naging simbolo na rin ng San Narciso ang nasabing tradisyon kung kaya’t ang makulay na maskara ng senturyon ay isa rin sa mga nagbibigay ng pagkilala sa bayan ng San Narciso.

            Hindi rin maipagkakaila na tanging ang bayan ng San Narciso ang may orihinal na awitin para sa pagpupugay sa may kaarawan, at ito ang madamdaming “Felicis Momento”. Ang bawat kataga at stanza ng nasabing awitin ay nagpapahayag ng pagpaparangal at pagpupuri sa may kaarawan. Sa San Narciso rin nagmula ang isa sa mga katutubong sayaw ng ating bansa…ang Panchita.

            Dahil sa pagkakaisa at bigkis na layuinin ng mga mamamayan, napatunayan namin na hindi lang kalinisan ang mayroon sa aming bayan kundi pati ang patuloy na progreso. At para na rin kayo ang maging saksi sa lahat ng ito, PASYALAN NINYO ANG SAN NARCISO…ISANG KUBLING PARAISO!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento