Linggo, Setyembre 2, 2012


“Ako, Bilang Isang Ampon”

           
            GOMAR RECEL VAILOCES TAN – ang kinagisnang kong pangalan, nakilala ko ang aking sarili bilang isa sa mga anak ni Assemblyman Godofredo M. Tan kay Maricel Vailoces Tan. Sa birth certificate ko, ipinanganak ako noong May 15, 1975 sa Brgy. Buenavista, San Narciso, Quezon. Namulat ako sa paniniwala na hindi ako pangkaraniwang bata. Subalit ang lahat pala ng aking mga kinagisnan at kinalakihang buhay ay nababalot ng isang lihim. Ampon pala ako. First Year College ako noong malaman ko sa aking mga kinagisnang magulang ang katotohanan. Anak pala ako nina Mario Abanilla at Felisa Fontamillas. Hindi madali tanggapin ang katotohanan, dahil lumaki ako na mataas ang pagtingin sa aking sarili. Noong malaman ko na “ampon” ako halos gumuho ang lahat sa akin, nawalan ako ng pangarap at kumpiyansa sa aking sarili.  

            Noong kinder days, nagtataka ako kung bakit dalawa ang birthday ko. Bukod sa May 15 ay pinagdiriwang din ang October 24. Kaya naman pala, October 24 1975 ako kinuha nina Papa sa aking tunay na magulang. Limang buwan pa lang ako noon at ika sampo sa labing isang magkakapatid. Naalala ko rin noong elementary ako sa Claret School na kung saan si Papa ang umaatend na aking PTA Meeting, ang sabi ng mga klasmeyt ko bakit daw para ng lolo ko ang aking Papa. Noon ako nagsimula magduda. Pero wala akong naramdamang pagkakaiba sa pagmamahal at pagaaruga sa akin ng aking mga magulang na kinagisnan. Hindi man kami mayaman, subalit pinipilit nilang ibigay sa akin lahat ng aking pangangailangan.

            Nag – aral ako ng high school sa San Narciso Vocational High School. Hindi ko malilimutan noong unang araw ko sa nasabing paaralan na kung saan ay nagtataka ako kung bakit ganon na lang ang pagtingin sa akin ng mga kapwa ko estudyante. Mga espesyal na pagturing na hindi ko naranasan sa aking paaralang pinanggalingan noong elementary. Noon din unang nabanggit sa akin na “ampon daw ako”. Subalit college na ako noong sina Papa at Mama ang mismong nagbanggit sa akin ng buong kasaysayan. Marami nagbago sa aking ugali simula nang malaman ko ang katotohanan. Mula sa isang batang “spoiled brat” naging isang tao akong mapagkumbaba at bukas ang isipan sa katotohanan.

            Sa kasalukuyan ay tanggap kona ang katotohanan. Subalit hindi ako nauunawaan ng aking mga kapatid. Mga ilang buwan pa lang ang nakakaraan ay sumakabilang buhay na aking tunay na ama. At nagalit sa akin gang aking mga kapatid dahil hindi ako pumunta. Sa totoo lang wala ako sama ng loob sa kanila kahit pa pinamigay nila ako. Ang sa akin lang, huwag sina nila pilitin na maramdaman ko ang nararamdaman nilang pagmamahal sa aking mga tunay na magulang sapagkat ibang mundo ang aking kinamulatan.

            Ibinahagi ko ang aking istorya ng pagka ampon dahil ang dami sa akin lagi nagtatanong tungkol dito. Minsan naiisip ko, ano kaya ang buhay ko kung hindi ako na ampon? Siguro isang bakla ako nagpapataya ng STL? O kung naging lalaki man ako ay nagtatabas din ako at naguuling? Sabi ni Papa, swerte daw ang guhit ng aking palad. Siguro nga swerte ako dahil sa dinamidami ng bata ako pa ang nabigyan ng ganitong kapalaran.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento